Loading...

3.19.2013

TALAMBUHAY



SINO BA SI DANIEL PADILLA?
                
               Si Daniel John (Dj) Ford Padilla ay ipinanganak noong Abril 26, 1995. Siya ay ang anak ng aktres na si Carla Ford, o mas kilala sa pangalang Karla Estrada at ng ng actor na si Rommel Padilla. Siya ngayon ang itinuturing na pinakasikat na batang actor. Nakadugtong na rin sa pangalan niya ang katawagang “bad boy” na orihinal na nagmula sa kanyang tiyuhin na si Robin Padilla.



Rommel Padilla


                Ang kanyang ama na si Rommel ay isang sikat na aktor. May mga tiyuhin siya na kilala din sa mundo ng showbiz. Nangunguna na riyan si Robin Padilla. Nandiyan din siyempre ang iba katulad ni Rustom Padilla o mas kilala na ngayon sa pangalang Bb Gandanghari at si Royette Padilla. Hindi na bago sa paningin at pandinig ng mga mamamayan ang mga Padilla, kaya naman hindi na mahirap para sa mga anak at kamag-anak na makapasok sa industriyang ito.  Sa ngayon ay naglilingkod si Rommel bilang Bise-Gobernador ng probinsya ng Nueva Ecija.
Daniel kasama ang inang si Karla Estrada
                Si Karla ay sumikat din bilang isang aktres at mangaawit. Siya ay nagsimula sa kilalang kilala na palabas noong kapanahunan niya na That’s Entertainment. Masasabing sa kanya nakuha ni Dj ang hilig sa musika. Nagkaroon siya ng mga palabas sa telebisyon, mga pelikula at sariling album. Ngunit sa murang edad ay nagkaroon na siya ng responsibilidad bilang ina. Hindi man sila nakasal ni Rommel ay nagawa pa rin niyang ipakita sa kanya ang kanilang anak na si Dj. Una niya itong nakita noong siya’y nakakulong pa. 
                Bilang bata ay nahirapan si Dj sa mga pangyayari sa paligid niya. Naging malaking problema sa buhay niya ang pagkakaroon ng magkahiwalay na magulang at mga kapatid sa iba’t-ibang lalaki. Sa ngayon ay mayroon siyang tatlong kapatid kay Karla at apat naman kay Rommel. Si Dj ay isang mabuting anak at kapatid. Isa rin siyang mabait na kaibigan. Patunay na diyan ang banda niyang Parking 5 kung saan kasama ang kanyang nakababatang kapatid na si Jc at ang kanyang matalik na kaibigan na si Ced. Siya ang bahista sa bandang ito.

PAGSISIMULA SA INDUSTRIYA 
 
Katsumi Kabe, Seth Gothico , Jc Padilla, Daniel Padilla at Lester Giri
                 Dahil sa pangalang dinadala niya, nagipit si Dj sa mga inaasahan sa kanya ng pamilya lalo na't kilala ang isa niyang tiyuhin na si Robin Padilla. Kilalang "bad boy" si Robin sa mga ipinapalabas na mga pelikula at teleserye ngunit, ayaw magaya iyon ni Dj. Gusto niyang mapakita sa mga proyektong ipapalabas ang tunay niyang personalidad. Ayaw niyang mabansagan na, "Ayan, ginagaya niya ang Tito Robin niya!" Kaya ginagalingan niya ang kanyang karera bilang artista at musikero.
                Nagsimula si Dj sa palabas na Gimik noong 2010. Dito ay kapareha niya ang isa pang batang aktres na si Julia Montes. Nasabi ni Dj na hindi niya talaga plano ang sumali sa industriya ng showbiz. Ngunit, nang kalaunan ay nagustuhan niya na rin ito hanggang sa nagtuloy-tuloy ang kanyang mga proyekto. Sumunod na kanyang nilabasan ay ang Growing Up na kung saan si Kathryn Bernardo na ang kanyang kapareha at ang Mara Clara. Sa palabas na ito ay nasabing di planadong tagumpay ang kanyang natamo. Nasabi kasi na ang papel ni Dj ay para talaga sa matalik niyang kaibigan na si Albie Casiño. Matapos ng mga palabas sa linggo ay nagkaroon na siya ng isa pang Primetime na palabas na Princess and I, kung saan ay siya na ang isa sa mga pangunahing karakter sa palabas.
                Si Dj ay may malaking potensyal na maging sikat na artista. Ika-28 ng Mayo 2012 ay naglabas siya ng sariling album na ipinangalang Daniel Padilla. Meron itong anim na kanta. Ang single sa album niyang ito ay ang kantang Hinahanap Kita na una niyang kinanta sa palabas na Gandang Gabi Vice. Ang kantang ito ay personal na pinili ng kanyang ina para sa kanya. Ayon sa tagalikha sa Star Records na si Jonathan Manalo, hindi pa umaabot ng isang linggong nilabas ito ay naibenta na ang lampas sampung libong kopya ng nasabing album.  Dahil sa nakabibighaning benta, nagampanan siya ng Gold Record Award at umabot din ng Platinum sapagkat umabot sa lampas dalawampung libong kopya ang nabenta.
                 Maganda rin ang simula ng taong 2013 para kay Dj sapagkat nakatanggap siya ng maraming parangal sa katatapos lamang na Himig Handog P-Pop Love Songs 2013. Naging tanyag ang single niya na Nasayo Na Ang Lahat na lalong nakadagdag sa kanyang kapalaran.
                Sa ngayon ay hinihintay ng lahat ang unang unang pelikula nila ni Kathryn Bernardo. Nakalabas na sila sa ibang pelikula katulad ng 24/7 in Love at Sisterakas. Ngunit malaking paghahanda ang ginawa nila sa pelikulang Must Be... Love dahil ito ang kauna-unahang pelikula nila ni Kathryn na sila ang pangunahing karakter at sa kanila umiikot ang buong pelikula.
KATHNIEL ♥
                Maraming tao sa ngayon ang umiidolo kay Dj lalo na sa tambalan nila ni Kathryn na KATHNIEL. Di man nila aminin ay makikita ang koneksyon sa dalawa. Patunay na dito ang mga kwento ng mga staff at iba pang mga tao na nakapaligid sa kanila. Ika nga niya, “Hindi po ako babaero. Kasi pag sinabing chickboy, pinagsasabay po ang mga babae” nang tanungin tungkol sa pagiging Padilla. Si Dj na nagsabi na seryoso siya kay Kath. Nasabi niya rin na grabe siya magmahal. Malambing din siya dahil lahat ay gagawin niya mapakita niya lang na importante ang isang tao sa kanya.
                May mga artista sa ating industriya na nagsimula noong bata pa lamang sila. Mayroon ding mga batang artista na nagtatagal. Nakapasok man si Dj sa industriyang ito nang mabilisan at mabilis din siyang sumikat ay malaking katanungan pa din kung mabilis din bang mawawala ang kanyang kasikatan. Kakaiba ang batang artistang ito sapagkat malakas dating niya sa publiko, lalung lalo na sa kabataan, at marunong siyang magpakababa sa mga humahanga sa kanya. May mga nagsasabi na napakasipag niya. Kahit pagod siya sa shooting, minsan pinapaalis na siya para magpahinga, tinatanggihan niya dahil pupuntahan pa niya ang mga tagahangang naghihintay sa kanya.
                Marami mang pagkukumpara sa kanya, sa kanyang mga tiyuhin at iba pang aktor isa lamang ang mapatutunguhan, ang bawat isa ay may kanya-kanyang talento na ibinigay ng Diyos na Maykapal ngunit ito rin ay nakaasa kung gagamitin mo ba ito sa kasamaan o kabutihan. 
 
MGA SABI NG IBANG PERSONALIDAD KAY DANIEL PADILLA
Sumusumpa si Hayden Kho, Jr. na lalaking-lalaki pero guwapung-guwapo siya kay Daniel Padilla.

May mga kakilala ako na mga tunay na lalaki pero vocal sa pagsasabi na naguguwapuhan sila kay ganito at ganireng lalaki. Hindi porke’t humanga kay Daniel si Hayden eh bading na ito ’no?! Normal sa mga tunay na mhin na magkaroon ng man crush. Man crush daw o!
- Lolit Solis
Sa opinion ko, ... dihamak na mas magaling naman umarte si Daniel Padilla kesa kay Gerald Anderson at mas magaling din si Kathryn Bernardo kesa kay Kim Chui.

Atsaka Dihamak na mas sikat ang Kathniel kesa sa Juliemo.

Kung maganda ang story at magiging performance nung dalawa (katniel) malaki ang chance na maganda ang magiging dating ng movie nila sa masa.

I don't think sila ang next kimerald. Kathniel is better than Kimerald in my opinion. Parang Pit n Guy ang nakikita ko sa kanila' hahahah 
- lct08
Marami ang nagsasabi, mukha raw magiging isang malaking hit ang pelikula nina Da­niel Padilla at Kathryn Bernardo, ang Must Be… Love ng Star Cinema.
Pero ang nakakatuwa, sinasabi ng maraming mga kritiko na iyon ay ma­giging hit dahil kay Daniel. Hindi naman natin maikakaila na matindi ang following ngayon ng mga tao sa bagong Padilla ng showbusiness. Ma­tinee idol kasi ang tipo, wholesome pa ang image. Siya ’yung sinasabi ng mga kababaihan na “boyfriend material”.
’Tapos wala pa siyang kalaban sa kategoryang iyon eh si Kathryn nga naman maraming kakumpitensiya.
-
- Boy Abunda


Mga reperensiya :
     Daniel Padilla. Daniel Padilla - Wikipedia, the free encyclopedia. Retrieved March 12, 2013, from http://en.wikipedia.org/wiki/Daniel_Padilla
     (2012). Daniel Padilla tries to live up to the family name: “Sa mga take, sa mga scenes, lagi kong ginagalingan talaga.” - PEP.ph . Daily Dose of Daniel Padilla. Retrieved March 12, 2013, from http://welovedanielpadilla.tumblr.com/post/12691003278/daniel-padilla-tries-to-live-up-to-the-family-name-sa
     De Leon, E. (2013, 5). Young actress mas maraming kakumpetensiya; Daniel mas sikat kay Kathryn! . Pang-Msa. Retrieved March 19, 2013, from http://www.philstar.com/pang-movies/2013/03/05/916004/young-actress-mas-maraming-kakumpetensiya-daniel-mas-sikat-kay-kathryn
     L. (2013, 2). Pinoy Exchange. Star Cinema's Must Be Love Starring: Daniel Padilla and Kathryn Bernardo. Retrieved March 19, 2013, from http://www.pinoyexchange.com/forums/showthread.php?t=598065
     Solis, L. (2013, 11). Pang-Masa. Hayden Kho sumusumpang hindi bading pero naguguwapuhan kay Daniel Padilla . Retrieved March 19, 2013, from http://www.new.philstar.com/pang-movies/2013/03/11/918272/hayden-kho-sumusumpang-hindi-bading-pero-naguguwapuhan-kay-daniel